CAVITE, Philippines – Dinakip ng pulisya ang isang lalaki matapos umanong manutok ng pellet gun habang may birthday party sa Greenbreeze Village 1, Barangay Langkaan 2, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ron,” nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nagdiriwang ang isang pamilya sa isang pribadong resort sa loob ng subdivision. Napadaan umano ang suspek at nakisama sa inuman.
Matapos ang pag-inom at habang palabas na ang suspek, nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan matapos silang magkatinginan ng biktimang si alyas “Karl.”
Bumalik umano ang suspek, naglabas ng maikling baril, ikinasa ito at itinutok kay Karl habang pinagbabantaan.
Agad umalis ang suspek matapos ang insidente. Humingi naman ng tulong ang biktima at mga saksi sa Homeowners’ Association (HOA).
Nagsagawa ng pagtugis ang mga kinatawan ng HOA at kalaunan ay nadakip ang suspek at dinala sa kanilang tanggapan.
Habang kinakausap ang suspek, bigla umano itong tumakbo kaya nagkaroon ng habulan. Naabutan din siya at nang kapkapan, napag-alamang pellet gun pala ang hawak nitong baril.
Dinala at itinurn-over sa Dasmariñas City Police Station ang suspek. Inihahanda na ang kasong Grave Threat laban sa kanya. MARGIE BAUTISTA