PANGASINAN, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng isang 72-anyos na lalaki matapos mabangga ng lalaking nakabiseklita habang naglalakad sa shoulder ng kalsada sa bayan ng Manaoag ng lalawigang ito nitong Sabado, Setyembre 26.
Ayon sa Manaoag MPS, ang pedestrian ay residente ng naturang bayan samantalang ang 57-anyos na lalaking nakabiseklita ay residente naman ng San Jacinto, Pangasinan.
Bandang alas-6:30 ng gabi, ang siklista ay nakasakay sa kanyang mountain bike at bumibiyahe papuntang kanluran sa provincial road nang aksidente nitong mabangga ang matandang naglalakad papuntang silangan sa shoulder ng kalsada.
Resulta nito, natumba sa kalsada ang pedestrian at nagtamo ng head injury.
Agad na isinugod sa ospital ang pedestrian.
Gayunman, ang pedestrian ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso