ILOCOS SUR, Philippines – Tigok ang isang 21-anyos na estudyante matapos na ma-overshoot, bumangga sa sementadong poste at sumemplang sa kalsada ang motorsiklong minamaneho nito sa national highway sa Brgy. Nalasin, Santiago ng lalawigang ito nitong madaling-araw ng Setyembre 26.
Base sa ipinadalang ulat ng Santiago MPS sa Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), ang biktima ay residente ng naturang bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay bumibiyahe papuntang hilaga.
Pagdating sa pakurbang parte ng kalsada, na-overshoot ang biktima hanggang sa bumangga ang kanyang motorsiklo sa concrete post.
Nabatid na tumilapon ng halos 20 metro mula sa point of impact ang naturang motorsiklo.
Dahil sa naturang aksidente ay nagtamo ng mga sugat ang biktima kaya agad na isinugod sa Candon General Hospital.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso