MANILA, Philippines – Nagsilbi si Senador Bam Aquino bilang sponsor ng resolusyong kumikilala sa “Kings of P-Pop” SB19 para sa makasaysayang pagtatanghal nito sa Lollapalooza Chicago 2026 at sa ambag ng grupo sa pagpapaunlad ng creative industries ng bansa.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Resolution No. 545, pinuri ni Aquino ang SB19 – na binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin – bilang unang homegrown Filipino act na nagtanghal sa Lollapalooza noong Hulyo 30 sa Grant Park sa Chicago.
Dumalo ang grupo upang tanggapin mula kay Aquino at iba pang senador ang adopted Senate Resolution.
“Noong July 30, SB19 became the first homegrown Filipino act to perform at Lollapalooza, one of the world’s biggest music festivals, before an international audience at Grant Park in Chicago,” wika ni Aquino.
Binigyang-diin din niya ang pag-usbong ng SB19 mula sa kanilang “Go Up” days hanggang sa pagtatanghal sa ilan sa pinakamalalaking entablado sa mundo, na tumulong upang mailagay ang Pilipinas sa pandaigdigang music scene.
“Taon ng tiyaga, sakripisyo, at paniniwala sa sariling tunog ang nagdala sa kanila mula sa pagiging isang grupong nangangarap lang na makilala, tungo sa pagiging isa sa mga pangunahing mukha ng P-pop sa international stage. At sa Lollapalooza, tinotoo po nila ito,” wika niya.
Sa mga sumunod na linggo, muling kinatawan ng SB19 ang Pilipinas sa Summer Sonic 2026 sa Japan, kung saan nagtanghal sila sa Osaka at Tokyo kasama ang mga world-class artists, ayon kay Aquino.
Bukod sa kanilang mga pagtatanghal, binanggit din ni Aquino ang mga nauna nang tagumpay ng grupo sa international music charts. Umabot sa No. 1 ang “Bazinga” sa Billboard’s Hot Trending Songs chart at nanatili sa unang puwesto sa loob ng pitong magkakasunod na linggo, habang nag-debut naman sa No. 1 ang “GENTO” sa Billboard World Digital Song Sales chart, na naging dahilan upang maging unang Filipino act ang SB19 na nanguna sa naturang chart.
“Mahalagang kilalanin natin ang mga tagumpay na ito because every time a Filipino artist steps onto a global stage, they open that stage a little wider for the next Filipino who dreams of doing the same,” giit niya.
Dagdag ni Aquino, patunay ang tagumpay ng SB19 sa malaking potensyal ng creative industries ng bansa na lumikha ng trabaho, magbukas ng mga oportunidad, at palakasin ang presensya ng kulturang Pilipino sa buong mundo kapag nabibigyan ng sapat na suporta at mga pagkakataon.
“Marahil iyon ang pinakamahalagang ambag ng SB19. Sa bawat entabladong kanilang inaakyatan, bitbit nila ang kanilang pagiging Pilipino. Hindi nila kailangang iwanan ang kanilang identity upang tanggapin ng mundo—sa halip, iyon po mismo ang kanilang ipinagmamalaki,” wika niya.
Bilang isang matibay na tagapagtaguyod ng talento ng mga Pilipino, inihain kamakailan ni Aquino ang Senate Resolution No. 370 na kumikilala sa Nation’s Girl Group na BINI para sa makasaysayang pagtatanghal nito sa Coachella Valley Music and Arts Festival, kung saan sila ang naging unang all-Filipino group na nagtanghal sa globally renowned festival sa Indio, California.
Inihain din niya ang Senate Resolution No. 591 na bumabati at kumikilala sa Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. para sa kanilang natatanging pagtatanghal sa 2026 World Hip Hop Dance Championship na ginanap mula Hulyo 25 hanggang Agosto 1 sa Phoenix, Arizona.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, sinabi ni Aquino na kabilang sa kanyang limang pangunahing legislative priorities ang pagpapalakas ng creative economy ng bansa, kabilang ang mga hakbang na magpapalawak sa mga oportunidad para sa mga Filipino artists, creators, filmmakers, designers, at iba pang creative professionals upang makipagsabayan at umunlad sa global market. Ernie Reyes/larawan ni Cesar Morales








