Home NATIONWIDE Politiko sa Congo binugbog patay matapos manawagan sa paglaban sa Ebola

Politiko sa Congo binugbog patay matapos manawagan sa paglaban sa Ebola

2
0

DR CONGO – Binugbog hanggang sa mamatay ang isang mataas na opisyal ng partido sa Democratic Republic of Congo (DR Congo) matapos lumahok sa isang radio program kung saan nanawagan siya ng pag-iingat laban sa Ebola.

Nangyari ang insidente noong Linggo sa Butembo, North Kivu province, na kabilang sa mga lugar na tinututukan dahil sa patuloy na Ebola outbreak.

Kinilala ang biktima na si Marie-Celestin Karondwa, acting president ng federal executive committee ng UDPS party sa Butembo at tagapagsalita ng partido.

Ayon sa UDPS federation sa Butembo, inatake si Karondwa ng mga residente sa kanilang lugar matapos siyang lumabas sa isang radio program kung saan ipinaliwanag niya ang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng Ebola.

Sinabi ng partido na binugbog si Karondwa, ninakawan ng kanyang mga gamit at sinunog ang kanyang bahay.

Kalaunan ay namatay siya dahil sa mga tinamong pinsala sa katawan.

Hindi pa malinaw kung sinu-sino ang nasa likod ng pag-atake, ilan ang sangkot at kung ano ang eksaktong motibo.

Ayon naman sa partido, naging “innocent victim” si Karondwa matapos niyang ipagtanggol ang posisyon ng partido hinggil sa pagkakaroon ng Ebola at sa banta nito sa mga residente.

Hindi agad nakapagbigay ng pahayag ang alkalde ng Butembo hinggil sa insidente.

Ang pagpatay kay Karondwa ay pinakahuli sa serye ng mga pag-atake laban sa mga grupong tumutulong sa pagtugon sa Ebola outbreak, na nagpapakita ng patuloy na kawalan ng tiwala ng ilang residente sa mga hakbang laban sa sakit.

Noong Sabado, sinalakay naman ng mga armadong lalaki ang isang hand-washing checkpoint sa kalapit na Beni territory.

Ayon sa isang local civil society group, hindi bababa sa isang tao ang nasawi at ilang iba pa ang nasugatan.

Batay sa datos ng pamahalaan na inilabas noong Lunes, 8,067 katao na ang nahawahan at 3,901 ang namatay mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo 15. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here