MANILA, Philippines – Bumuwelta si House prosecutor at San Juan City Rep. Bel Zamora sa mga netizen na bumatikos sa kanyang courtroom style habang nagsasagawa ng direct examination sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Setyembre 28.
Tinawag ni Zamora na misogynistic ang ilan sa mga komento laban sa kanya, partikular ang mga puna sa paraan ng kanyang pagsasalita at pagtatanong sa isang testigo.
“It’s so unfortunate that a lot of Filipinos still think that way. They still make misogynistic remarks, especially towards women, girls who are apparently smart and can speak well and can be a lawyer in an impeachment court,” saad niya.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Zamora si Police Major Joericson Sangalang tungkol sa mga baril na nakarehistro kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases Carpio. Ayon sa PNP official, may kabuuang 51 firearms ang mag-asawa na tinatayang nagkakahalaga ng P7 milyon.
Iginiit naman ni Zamora na kailangang ideklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang mga personal na ari-ariang rehistrado sa government agencies, kabilang ang firearms.
Samantala, sinabi rin ni Zamora na hindi siya apektado ng pambabatikos at patuloy lamang niyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang prosecutor. RNT/MDS