BULACAN, Philippines – Bumisita nitong Setyembre 29 sina Netherlands Ambassador to the Philippines Roderick Wols at DPWH Secretary Vince Dizon, kasama ang mga delegado ng ASEAN-Netherlands Cross Learning Workshop at mga opisyal ng Malolos City, sa nature-based flood solution sa Barangay Pamarawan.
Ang Pamarawan ay isang flood-prone island community sa North Manila Bay na madalas makaranas ng coastal flooding. Sa proyekto, ginagamit ang mga materyales at prosesong nakabatay sa kalikasan, kabilang ang bamboo structures, oyster bags at sediment traps upang bawasan ang lakas ng alon, makatulong sa pag-iipon ng sediment at suportahan ang pagbabalik ng mangrove at iba pang coastal habitats.
Ayon sa mga ulat, kinilala ni Dizon ang bamboo cribbing ng Malolos bilang isang halimbawa ng nature-based engineering na maaaring makatulong sa pagpapatatag ng mga pampang, pagbawas ng soil erosion at pag-iwas sa pagbaha. Sinabi rin niyang maaaring pag-aralan ang paggamit nito sa iba pang flood-prone na lugar sa Bulacan at karatig-Pampanga.







