Home NATIONWIDE Pahayag ni Marcoleta, gagamiting ebidensya sa 3 ‘gift’ cases

Pahayag ni Marcoleta, gagamiting ebidensya sa 3 ‘gift’ cases

3
0

MANILA, Philippines – Gagamitin ng mga prosecutor bilang ebidensya sa paglilitis sa Sandiganbayan 1st Division ang video ng mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng isa sa tatlong “gift” cases laban sa kanya.

Nahaharap sina Marcoleta at negosyanteng si Aristotle Viray sa mga kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap at sa mga pribadong indibidwal na magbigay ng regalo.

Tatlong bilang ng paglabag ang kinakaharap ni Marcoleta kaugnay ng umano’y P75 milyong donasyon na natanggap niya noong party-list lawmaker pa siya. Tinatayang P20 milyon dito ay sinasabing nagmula kay Viray.

Tinanong ni Associate Justice Juliet Manalo-San Gaspar ang prosecution kung ihaharap nito sa korte ang video ng pahayag ni Marcoleta. Sinabi ni Prosecutor Marichelle Corpuz na isusumite nila ito kasama ang testigo mula sa Office of the Ombudsman’s Field Investigation Office na nagsuri sa video.

Sa kanyang programang “Sa Ganang Mamamayan” sa NET25 noong Nob. 8, 2025, sinabi ni Marcoleta na nagbigay sa kanya ng campaign contributions ang kanyang mga “friends” sa kondisyon na hindi ibubunyag ang kanilang pagkakakilanlan.

Ayon sa prosecution, naging basehan ang naturang pahayag sa pagsasampa ng kaso laban kay Marcoleta at sa kanyang mga umano’y donor.

Sinabi naman ng abogado ni Marcoleta na si David Gabriel na sumasang-ayon silang kilalanin ang authenticity ng video.

Bukod kay Viray, kabilang sa mga tinukoy na umano’y donor ni Marcoleta sina dating Rep. Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here