CAVITE, Philippines – Dalawang lalaki ang naaresto ng pulisya matapos umanong manunok at mangholdap sa isang taxi driver sa Barangay Daang Amaya 1, Tanza, Cavite.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Vin” at “Juan,” kapwa residente ng Cavite.
Ayon sa Tanza Municipal Police Station, sumakay umano ang dalawa sa taxi mula Bacoor Public Market at nagpahatid sa Tanza. Pagsapit sa Barangay Daang Amaya 1, bigla umanong nagdeklara ng holdap ang mga suspek.
Dalawang kutsilyo umano ang inilabas ng mga suspek upang takutin ang driver bago kunin ang kanyang kinita.
Agad na nagsumbong sa pulisya ang biktima kaya nagsagawa ang mga tauhan ng Tanza MPS ng hot pursuit operation na nauwi sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa Tanza Municipal Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila. MARGIE BAUTISTA