Home METRO Romanian na may criminal record, hinarang ng BI sa NAIA

Romanian na may criminal record, hinarang ng BI sa NAIA

1
0

MANILA, Philippines — Pinigil at hindi pinapasok ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 46-anyos na Romanian national na dati nang nahatulan sa kasong pagre-recruit o pagkuha ng mga babae para sa prostitusyon nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 22.

Kinilala ng BI ang dayuhan na si Razvan Mircea Nedelea, na gumagamit din umano ng alyas na Razvan Necule.

Nabatid na isinagawa ang kanyang exclusion alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border management at pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang maaaring ituring na banta sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Bienvenido Castillo III, Deputy Chief ng BI Anti-Terrorist Group (ATG), nakatanggap sila ng intelligence information na posibleng bumiyahe patungong Pilipinas si Nedelea.

Batay sa mga rekord at intelligence information, kabilang umano siya sa isang Romanian criminal group na sangkot sa trafficking ng mga kababaihan patungong Scotland. Kalaunan, nahatulan siya sa kasong may kaugnayan sa pagkuha ng mga babae para sa prostitusyon.

Dahil dito, inatasan ni Castillo ang BI APIS Operations Center (APOC) na bantayan ang biyahe ni Nedelea at agad na ipagbigay-alam sa ATG sakaling matukoy ang kanyang pagpunta sa Pilipinas.

Noong Setyembre 21, halos siyam na oras bago ang kanyang nakatakdang pagdating, natukoy ng APOC ang kanyang travel information habang sakay ng Qatar Airways flight patungong Maynila.

Agad na nakipag-ugnayan ang APOC sa ATG at ipinaalam ang impormasyon sa mga kinauukulang tauhan sa paliparan.

Pagdating ni Nedelea sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 22, isinailalim siya sa karagdagang pagsusuri ng mga tauhan ng ATG. Inirekomenda ng mga ito ang kanyang exclusion o hindi pagpapapasok sa bansa at pagbabalik sa kanyang bansang pinagmulan.

Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga immigration personnel at ang koordinasyon ng APOC, ATG at mga airport immigration officer.

Iginiit ni Viado na patuloy na magiging mahigpit ang BI sa pagbabantay sa mga hangganan ng bansa, lalo na laban sa mga dayuhang may rekord ng malulubhang krimen.

Sinabi rin ng BI chief na patuloy nilang gagamitin ang intelligence information, advance passenger information at koordinasyon sa iba pang ahensya upang matukoy at mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang maaaring magdulot ng panganib sa public safety at national security. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here