Home NATIONWIDE Sakaling may iregularidad sa kontrata ng Davao City, malalaman ko – Baste...

Sakaling may iregularidad sa kontrata ng Davao City, malalaman ko – Baste Duterte

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte nitong Martes na malalaman niya kung may iregularidad sa mga kontratang pinasok ng Davao City Hall, kabilang na ang sa GenCorp Industries Inc.

Ito ang naging testimonya ng alkalde sa ika-31 araw ng impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Sa direct examination ng private prosecutor na si Atty. Theodore “Ted” Te, kinumpirma ni Mayor Duterte na binigyan niya ng awtoridad si Atty. Tristan Dwight Domingo, assistant city administrator, para pumirma ng mga kontrata ng lungsod sa ngalan niya.

“I named him as my representative,” sabi ng alkalde.

Pero nilinaw ni Baste na hindi niya alam ang lahat ng kontratang pinipirmahan ni Atty. Domingo.

“If it comes to my table, yes I would be aware. If there is an irregularity, I would be aware of it,” ani Baste.

Idinagdag niya na bagamat may kinatawan siya, nasa kanya pa rin ang accountability.

Bago ang pagharap sa impeachment court, sinabi na rin ni Mayor Duterte na naging maayos at naaayon sa batas ang pagkapanalo ng GenCorp Industries Inc. sa mga kontrata ng Davao City na nagkakahalaga ng mahigit P34 milyon.

Sinabi rin niya na wala siyang alam sa umano’y bahagi o interes ng kanyang kapatid sa GenCorp.

Nakasaad sa 2024 at 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni VP Duterte ang GenCorp Industries Inc. bilang isa sa kanyang business interests.

Pero sa mga record ng kumpanya na isinumite sa Securities and Exchange Commission, wala ang pangalan ni VP Duterte bilang isa sa mga shareholder nito.

Ang mga transaksyon ng Davao City sa GenCorp ay bahagi ng mga ebidensyang tinitingnan ng prosecution sa Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here