Home METRO Tinangay na sasakyan sa Cavite, nabawi ng QCPD

Tinangay na sasakyan sa Cavite, nabawi ng QCPD

1
0

DASMARIÑAS, CAVITE, Philippines – Nabawi ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang Toyota Hilux na iniulat na ninakaw sa isang follow-up operation sa Dasmariñas, Cavite noong Setyembre 25, 2026.

Pinangunahan ni PBGEN Christopher Olazo ang QCPD, habang pinamunuan ni Police Lieutenant Colonel Hector Ortencio ang District Anti-Carnapping Unit (DACU) na nagsagawa ng operasyon.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng carnapping na kinasasangkutan ng tatlong sasakyan na umano’y ninakaw noong Mayo 2024 sa loob ng Commonwealth Nissan sa Commonwealth Avenue, Brgy. Holy Spirit, Quezon City. Ayon sa ulat, sangkot dito ang isang indibidwal na kilala sa alyas na “Ondoy.”

Noong Agosto 15, 2026, nabawi na ng QCPD ang isa sa tatlong sasakyan. Sa patuloy na pagkalap at beripikasyon ng impormasyon at koordinasyon, natukoy naman ang isa pang sasakyan, isang Toyota Hilux, na namataan sa Dasmariñas.

Agad nagtungo ang DACU sa Diamond Village, Salawag, kung saan nakita ang Hilux na nasa pangangalaga ni G. Rolando. Ayon sa kanya, isinangla sa kanya ni alyas “Ondoy” ang sasakyan sa halagang P600,000.

Matapos ipaalam ng mga awtoridad ang estado ng sasakyan, kusa itong isinuko ni G. Rolando. Nasa pangangalaga na ngayon ng DACU ang Hilux para sa dokumentasyon, beripikasyon at iba pang legal na hakbang.

“Ang pagbawi rito ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng QCPD na matunton at mabawi ang mga sasakyang sangkot sa mga naiulat na insidente ng carnapping. Patuloy naming susundan ang lahat ng posibleng impormasyon at paiigtingin ang aming koordinasyon upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga responsable,” pahayag ni PBGEN Olazo. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here