MANILA, Philippines – Nagsagawa ang National Telecommunications Commission (NTC) ng public hearing sa panukalang Memorandum Circular para sa pag-angkat, dealership, accreditation, labeling, at pagbebenta ng refurbished at used mobile phones, tablets, at iba pang katulad na devices.
Isinagawa ang pagdinig sa NTC Central Office noong September 23. Inilatag dito ang panukalang payagan ang pag-angkat at pagbebenta ng refurbished (pre-owned) mobile phones, tablets, at katulad na devices na aprubado ng NTC at hindi ginalaw o binago.
Ang mga ito ay kailangang naka-box, may pangalan o brand ng awtorisadong tao o kumpanyang binigyan ng NTC ng authority, at may one-year warranty para sa repair o replacement.
Tanging mga mobile phone at device na kumpleto ang dokumento, lehitimong pinanggalingan, at aprubado ng NTC ang papayagang i-import. Kailangan ding malinaw ang label at grado ng bawat unit, pati ang warranty mula sa authorized refurbished mobile phone dealer bago ito ibenta sa publiko.
Dumalo sa pagdinig ang public telecommunications entities (PTEs), mga gustong maging awtorisadong dealer, at iba pang stakeholders.
Tumanggap din ang NTC ng mga nakasulat na komento, kabilang ang mga suhestyon tungkol sa proteksyon ng intellectual property at iba pang karapatan ng mga manufacturer.
Maaari pang magsumite ang publiko ng komento, rekomendasyon, at mungkahing pagbabago hanggang October 1 sa [email protected], na may kopya sa [email protected].
Layunin ng regulasyon na pigilan ang hindi awtorisadong pagbebenta ng mga mobile phone na ilegal na nakuha o ninakaw, pati na ang bentahan ng mga ginalaw o may depektong devices.
Ang mga walang lisensya na mapatunayang nag-i-import, nagbebenta o nakikipagkalakalan ng used o refurbished mobile phones, tablets, at iba pang katulad na devices ay maaaring patawan ng administrative sanctions ng NTC.
Ang hakbang ay bahagi lang ng mandato ng NTC na pangasiwaan at bantayan ang telecommunications equipment at protektahan ang interes ng mga mamimiling Pilipino. RNT