Home NATIONWIDE Tax-free fuel kaysa P1 dagdag-pasahe – PISTON

Tax-free fuel kaysa P1 dagdag-pasahe – PISTON

2
0
(c) PISTON FB Page

MANILA, Philippines — Mas malaking tulong umano sa mga tsuper ang pag-aalis ng excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo kaysa sa ipinatupad na P1 dagdag-pasahe, ayon sa transport group na PISTON.

Sinabi ni PISTON president Mody Floranda na hindi sapat ang dagdag na P1 sa minimum fare upang matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pang-araw-araw na gastusin ng mga tsuper.

Sa panayam ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ni Floranda na tinatayang nasa P1,000 kada araw ang nababawas sa kita ng ilang driver dahil sa mataas na presyo ng gasolina at diesel.

Nagsimula nitong Martes, Setyembre 29, ang dalawang araw na nationwide transport strike ng PISTON upang igiit ang pagbaba ng presyo ng langis at iba pang kahilingan ng sektor.

Noong Lunes, itinaas mula P13 tungong P14 ang minimum fare sa traditional jeepneys, habang mula P15 ay naging P17 naman ang minimum fare sa modern jeepneys.

Gayunman, iginiit ni Floranda na mas makabuluhang hakbang ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa petroleum products at iba pang pangunahing bilihin upang direktang mapababa ang gastusin ng mga tsuper.

Patuloy ding nananawagan ang PISTON sa pamahalaan na tugunan ang mataas na presyo ng langis habang nagpapatuloy ang kanilang transport strike. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here