Home METRO Online threats dumami matapos Banga school shooting; 40 huli

Online threats dumami matapos Banga school shooting; 40 huli

3
0

SOUTH COTABATO — Umabot sa 65 online threats ang naitala ng Police Regional Office 12 sa loob lamang ng 10 araw matapos ang pamamaril sa Banga National High School noong Setyembre 18, ayon sa mga awtoridad.

Malaking pagtaas ito kumpara sa 13 online threats na naitala ng pulisya mula Hulyo 7 hanggang Setyembre 17.

Ayon kay PRO-12 director Police Brig. Gen. Allan Manibog, karamihan sa mga sumunod na kaso ay kinasasangkutan ng mga menor de edad na nagsabing nagbibiro lamang o nananakot nang mag-post sila ng mga banta online.

Sa isinagawang assessment, interview at pagsusuri sa kanilang mga cellphone, sinabi ng pulisya na wala silang nakitang indikasyon na karamihan sa mga menor de edad ay talagang may intensiyong isagawa ang mga banta.

Inilarawan ni Manibog ang marami sa mga insidente bilang posibleng “copycat” behavior kasunod ng Banga school shooting, ngunit iginiit niyang seryosong tinutugunan ng pulisya ang bawat threat.

Samantala, sinabi ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr. na nasa 40 katao na ang na-apprehend o natunton kaugnay ng mga online threat—humigit-kumulang 20 sa South Cotabato at 20 sa Sultan Kudarat. Ang mga menor de edad ay itinuturn-over sa Department of Social Welfare and Development habang ang mga adult suspect ay hinahawakan ng mga awtoridad ayon sa naaangkop na proseso.

May mga nauna na ring kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad sa rehiyon. Sa Sultan Kudarat, isang 13-anyos ang inimbestigahan dahil sa umano’y school shooting threat, habang dalawang 16-anyos at isang 18-anyos naman ang naaresto sa magkahiwalay na kaso sa South Cotabato.

Patuloy ang cyberpatrolling ng PRO-12 upang matukoy ang mga threatening post at beripikahin ang mga report mula sa publiko. Hinikayat din ng mga awtoridad ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at screenshots na maaaring magdulot ng takot at panic. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here