Home METRO ‘Kush’ supplier ng mga estudyante sa Pasig, arestado

‘Kush’ supplier ng mga estudyante sa Pasig, arestado

2
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 25-anyos na lalaki na umano’y nagsusuplay ng high-grade marijuana o “kush” sa ilang estudyante sa Pasig City sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pineda noong gabi ng Setyembre 26.

Ayon sa Eastern Police District (EPD), ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Yah” ay itinuturing na high-value individual.

Sinabi ni EPD-District Drug Enforcement Unit chief Lt. Col. Melvin Atacador na nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang pulisya ng mga ulat hinggil sa umano’y bentahan ng kush sa ilang paaralan sa lungsod.

Matapos ang ilang buwang monitoring at verification, natukoy umano ng mga awtoridad ang suspek bilang distributor kaya isinagawa ang buy-bust operation.

Nakumpiska mula sa lalaki ang apat na heat-sealed plastic pouch na naglalaman ng hinihinalang kush na may kabuuang timbang na 107.18 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P160,770.

Pansamantalang nakakulong ang suspek sa Pasig City Custodial Facility at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Magsasagawa rin umano ang pulisya ng follow-up operation upang matukoy ang pinagmumulan ng kush.

Pinaalalahanan naman ni Atacador ang mga magulang na bantayan ang kapansin-pansing pagbabago sa asal ng kanilang mga anak at maging mapagmatyag laban sa posibleng pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na droga. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here