MANILA, Philippines – Sumiklab ang kaguluhan sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, madaling araw ng Miyerkules, Setyembre 30.
Nagresulta ito sa paglikas ng mga residente sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa kaguluhan.
Ayon kay Shariff Aguak Vice Mayor Hadji Oping Ampatuan, ang sagupaan sa mga miyembro ng MILF ay sumiklab sa Barangay Bialong ngunit agad na napahupa nitong Martes sa peace mechanisms ng pamahalaan at MILF.
“However, fighting between the same groups erupted anew at about 1 a.m. Wednesday,” ani Ampatuan.
Samantala, sinabi ni Montassir Saliao, pinuno ng Shariff Aguak Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, na nasa 65 pamilya o 325 indibidwal mula sa mga barangay ng Bialong, Malingao at Lapok ang lumikas patungo sa kalapit na Barangay Takepan para sa kanilang kaligtasan.
“The number of affected families may increase if our assessment and evaluation is completed,” sinabi pa ni Saliao.
Biniberipika pa umano ang impormasyon na may batang namatay matapos tamaan ng ligaw na bala.
Ang matagal nang territorial dispute sa pagitan ng mga nagkakagirian na grupo ng MILF ay naayos na kamakailan ni Shariff Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan, ayon kay Lt. Colonel Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division.
Umapela naman si Vice Mayor Ampatuan sa mga residente ng Shariff Aguak na manatiling kalmado “because the police and the military, as well as the government-MILF ceasefire panels, are addressing the situation.” RNT/JGC