Home NATIONWIDE Border management ng bansa patuloy na pinalalakas ng BI

Border management ng bansa patuloy na pinalalakas ng BI

3
0

MANILA, Philippines – KINIKILALA na ng ibang bansa ang mga hakbang tungo sa mas maayos na immigration process.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbutihin ang mga serbisyo ng gobyerno para sa kaligtasan at ginhawa ng bawat Pilipino.

Kabilang aniya sa mga modernization efforts ng Bureau of Immigration sa pamumuno ni Commissioner Joel Viado ang Advanced Passenger Information System o APIS, electronic gates, automated passenger screening at airline data connectivity.

Kasama rin sa mga inisyatiba ng kawanihan ang APIS Operations Center na nagpapabilis sa immigration processing, nagpapahusay sa passenger screening at nagpapalakas sa ating border security.

Gamit ang APIS, mabilis na makakapag-transmit ang mga airline ng passenger information sa Immigration bago pa man dumating ang flights sa bansa.

“Nakakatulong ito sa mas mabusising pagsusuri at pagkilala sa mga pasahero bago pa man lang sumalang sa ating immigration counters,” ayon kay Castro.

Maliban sa mas mataas na seguridad, nakakatulong din ang nasabing sistema na pabilisin ang processing ng mga eligible travelers na daraan sa Immigration e-gates.

Sa tulong ng automated immigration process, ilang sandali lang ang kailangan para makakuha ng clearance sa e-gates at matapos ang buong proseso.

“Dahil sa patuloy na napapaganda ang ating immigration services, ngayong buwan ay kinilala ng International Border Management and Technologies Association ang APIS implementation ng bansa,” aniya pa rin.

Itinampok din ani Castro ang APIS Operations Center sa International User Community on UN goTravel meeting na idinaos sa Moldova noong September 23 to 24 kung saan nagbahagi ang Pilipinas ng mga karanasan nito sa pagpapalawak ng airline connectivity.

Dahil aniya sa bagong Pilipinas, mas maayos ang serbisyo, mas ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here