Home NATIONWIDE Sports program ipinanukala sa pagbabalik ng pag-asa sa mga kabataan, senior sa...

Sports program ipinanukala sa pagbabalik ng pag-asa sa mga kabataan, senior sa Boys’ Town

1
0

MANILA — Hindi lamang paglalaro ang layunin ng bagong sports program na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Philippine Sports Commission (PSC) sa Manila Boys’ Town Complex sa Marikina City, kundi ang muling pagbibigay ng pag-asa at positibong direksyon sa mga kabataan at nakatatandang naninirahan doon.

Sa programang “Laro’t Saya sa Manila Boys’ Town,” bibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na matuto at mahubog sa iba’t ibang larangan ng palakasan, na inaasahang makatutulong upang magkaroon sila ng disiplina, magandang asal at aktibong pamumuhay.

Kinatawan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso si Vice Mayor Chi Atienza sa paglulunsad ng programa.

Ayon kay Atienza, marami sa mga kabataan at senior citizen sa Boys’ Town ang dumaranas ng mahihirap na sitwasyon, kabilang ang mga usaping may kaugnayan sa kanilang mental well-being.

Aniya, makatutulong ang sports activities upang maging aktibo ang mga residente at magkaroon sila ng bagong pag-asa.

“Makakatulong ito na maging busy ang aming mga lolo at lola at ang mga kabataan na nandito ngayon sa Boys’ Town. Itong effort na ito ay ninanais naming bumalik ang pag-asa sa kanilang mga puso,” pahayag ni Atienza.

Upang maging tuluy-tuloy ang programa, katuwang ng PSC ang mga National Sports Associations (NSAs) na magtatalaga ng tig-dalawang kuwalipikadong coach sa bawat sport.

Isasagawa ang pagsasanay tuwing Huwebes at Biyernes, alas-3 hanggang alas-5 ng hapon.

Para kay Atienza, maaaring magsilbing daan ang sports upang matuklasan ng mga kabataan ang kanilang kakayahan at magkaroon ng bagong pangarap sa buhay.

“Kapag meron na silang ibang maisip na makita nila na mayroon palang pangarap na pwede nilang maabot, doon mag-uumpisa ang drive, doon mag-uumpisa ang hope,” ani Atienza.

Kasabay nito, tiniyak ng bise alkalde sa mga nakatatanda sa Boys’ Town na patuloy silang bibigyang-pansin at aalagaan ng pamahalaang lungsod.

“Gusto naming malaman ninyo na mahal na mahal namin kayo at aalagaan namin kayo. Nandito lang kami lagi para sa inyo,” dagdag niya. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here