MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Bill no. 2511 o “Philippine Tourism Campaign Slogan Act” upang magtakda ng permanenteng tourism branding ang bansa na hindi babaguhin depende sa administrasyon.
Ang panukala ay matapos ang budget briefing ng 2027 Budget ng Department of Tourism na pinangunahan ni Tulfo, kung saan inihayag niya na yung pagkakaiba-iba ng tourism campaigns.
Pagdidiin ng Senador, nasaksihan ng mga Pilipino ang pagbabago mula “Wow Philippines” hanggang “It’s More Fun in the Philippines,” at ngayon naman ay “Love the Philippines,” na nakapagpalito sa mga turista at maging sa global scene.
“Parang tayo lang ang bansang napaiba-iba bawat administrasyon. May love, may more love… Wala tayong tatak, eh,” anang Senador.
“Unlike Malaysia, “Truly Asia.” May mga ganun, eh. Maya-maya, pustahan tayo, ‘pag pumalit na naman ang administrasyon, hindi na love yan. What is going on in here?” pagtatanong pa niya.
Pinuna rin ng mambabatas ang tila nakaugaliang pagpapalit-palit ng mga kalihim ng ahensya ng mga slogans para lang mailagay ito bilang sariling inisyatibo ng naturang termino.
Para matuldukan na ito, nilalayon ng panukala ni Tulfo na gawing mandato ng DOT na bumuo ng Official Tourism Campaign Slogan na tatagal ng di bababa sa 15 taon.
Inaatasan din nito na masama ang nasabing official slogan sa mga national at local development plans, at pagbawalan ang mga materyales na labas sa messaging ng slogan.
“Habang naiintindihan natin na may mga ginagawang pagbabago para maipakita ang layunin ng nagbabagong panahon, yung pagbabago-bago na iyan ay nagsasayang doon sa nabuong identidad, pagkalito, at pera ng bayan na inilaan para sa branding,” ani Tulfo.
Buo naman ang suporta ng kasalukuyang DOT Secretary Dita Mathay para sa panukala.
Aniya, yung pagkakaroon ng permanenteng slogan tulad ng “Love the Philippines” ay ikagaganda ng tourism identity ng bansa, lalo na’t kilala ang mga Pilipino bilang maalaga at mapagmahal.
Samantala, itinuon din ni Tulfo na maliban sa branding, dapat mas palakasin pa ang tourism sector para makahalina ng mga turista at mas malaking kita ang maipasok sa bansa. Ernie Reyes