Home NATIONWIDE Nagkataon lang ba o sinadya? Pamamahagi ng bigas ng First Lady palaging...

Nagkataon lang ba o sinadya? Pamamahagi ng bigas ng First Lady palaging ginagawa – Malakanyang

4
0

MANILA, Philippines – HINDI masabi ng Malakanyang kung nagkataon lang o sinadya ang pamamahagi ng bigas ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa mga miyembro ng transport sector na makailang ulit nang nagdaraos ng transport strike.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang palagi naman kasing ginagawa ng Unang GInang ang pamamahagi ng bigas.

Sinabi nito na hindi naman kamakalawa lamang ginawa ng Unang Ginang ang pamamahagi ng bigas dahil maging sa ibang aktibidad ng Local Government Units (LGUs) ay makikita ang Unang GInang na namamahagi ng bigas.

“Alam naman po natin na iyong pagbibigay at pamamahagi ng bigas lalung-lalo na sa mga miyembro ng transport sector ay hindi naman kahapon lang ginawa. Pati sa mga ibang local government units ay nakikita po natin ang First Lady Liza Marcos na siya ang namamahagi at nagpapamahagi ng mga bigas,” ani Castro.

“Kung ito ay nagkataon or sinadya, hindi po natin masasabi dahil talaga pong ang First Lady ay tumutugon sa ganitong mga klase ng mga activities,” aniya pa rin.

Ang maganda lamang aniya rito ay nagkaroon ng pagkakataon na magkita ng personal sina Unang Ginang Liza at MANIBELA chairperson Mar Valbuena.

Isa ang MANIBELA sa transport group na palaging nananawagan ng transport strike.

“Naging maganda ang tugon dahil minsan mas maganda talaga kapag nagkikita nang personal mas nararamdaman ang sincerity at mas nararamdaman din ng mga taong nagkakaroon nang agam-agam. Kapag nagkaroon ka nang agam-agam at naramdaman mo na iyong tao na kausap mo ay may sincerity ay naiibsan iyong takot at iyong fear,” ani Castro.

“So, iyon iyong nakita natin na naramdaman ni MANIBELA Chair. At noong nakita niya na sinsero ang pagganap ni First Lady at paghikayat sa kaniya na iwasan na sana ang strike dahil mas marami namang maitutulong although sabi nga ng ating First Lady ay hindi ito sapat, hindi ito iyong kabuuang tulong. Pero sa ganitong klaseng pamamaraan makikita po natin na handa ang gobyerno na maibsan ang nararamdamang hirap, agam-agam ng atin mga tsuper, ng mga operators dito sa transport sector,” aniya pa rin.

Sa ulat, dumalo si Unang Ginang Liza sa LTO Activity Center sa Quezon City para sa rice distribution program ng pamahalaan sa mga transport worker.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang ilang miyembro ng transport group na Manibela.

Pinangunahan niya ang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” program, na namamahagi ng libreng bigas sa mga komunidad sa Metro Manila. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here