MANILA, Philippines – NANANATILING may sapat na suplay ang tropang nakalulan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa kabila ng rescheduling ng rotation and resupply (RoRe) mission kasunod ng pagharang ng Chinese vessels.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na nananatiling mataas ang morale ng kasundaluhan sa kabila ng rescheduling.
“Ang kasundaluhan naman sa BRP Sierra Madre have sufficient supplies. At yung moral naman nila, mataas naman kahit hindi pa sila, sanay naman sila na kapag hindi kaagad makauwi, sanay sila doon,” anito.
Sa ulat, napilitang i-abort ng Philippine Military at Coast Guard ang rotation and resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal matapos ma-shadow umano ng malaking bilang ng Chinese vessels ang Philippine convoy.
Na-abort ang misyon noong Setyembre 24 matapos mamataan ang siyam na China Coast Guard Ships, tatlong People’s Liberation Army-Navy (plan) warships, dalawang missile boats at limang Chinese maritime militia vessels.
Ayon sa PCG, nagbigay umano ng radio challenge ang isang Chinese warship at nagbabala ng “Compulsory measures.”
May Chinese vessel din umanong lumapit sa M/V Lapu-Lapu hanggang nasa tinatayang 1,000 yards, na nagdulot ng panganib ng banggaan.
Sinabi ng AFP na walang nasugatan o naganap na collision dahil piniling itigil ang misyon upang maiwasan ang direktang komprontasyon.
May contingency plans naman umano para sa suplay ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Kinondena ng AFP at National Task Force for the West Philippine Sea ang insidente, at iginiit na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagsasagawa ng lawful operations sa West Philippine Sea. KRIS JOSE