MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga guro na ihanda ang mga mag-aaral sa hinaharap sa pamamagitan ng paghubog sa kanilang kakayahang mag-isip nang kritikal, kumilatis at gumawa ng matalinong desisyon, habang may malasakit sa kapwa.
Sa kanyang talumpati sa National Teachers’ Month 2026 celebration sa Manila Hotel, sinabi ng Pangulo na nais niyang magkaroon ang bansa ng mga kabataang handang mamuno nang may karunungan, kakayahan at malasakit.
“Nais natin ang mga kabataang Pilipinong may kakayahan at handang balang araw na mamuno sa ating mga komunidad, institusyon at bansa nang may karunungan, kakayahan at malasakit sa kapwa,” ayon sa Pangulo.
Tinukoy rin ng Pangulo ang pag-unlad sa resulta ng Programme for International Student Assessment o PISA ngunit marami pa aniyang kailangang gawin upang mapalakas ang paghahanda at professional development ng mga guro.
“May mga kailangan pa tayong ayusin sa paghahanda at patuloy na pagsasanay ng ating mga guro. May ilan na nagtuturo ng mga asignaturang hindi nila espesyalisasyon, at may mga training na hindi laging tugma sa mga aktuwal na hamon na kinakaharap nila sa silid-aralan,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga guro bilang tagapagturo at gabay ng mag-aaral.
Kasabay nito, inilunsad ni Pangulong Marcos ang My Teacher Education Commons o MyTEC Portal, isang digital platform na tutulong sa patuloy na pagkatuto at professional development ng mga guro. KRIS JOSE