MANILA, Philippines – Gagawing buong araw na ng Senate Impeachment Court ang pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte simula ngayong Huwebes para mapabilis ang proseso at makapaglaan pa rin ng oras sa deliberasyon ng 2027 national budget.
Base sa kalatas ng impeachment court mula Huwebes, isasagawa ang trial mula 10 a.m. hanggang 5 p.m. tuwing Lunes hanggang Biyernes hanggang October 15.
Matapos nito, pansamantalang ititigil ang pagdinig para bigyang-daan ang mga pagdinig at debate sa 2027 national budget na karaniwang ginagawa tuwing Oktubre hanggang Nobyembre.
Habang tinatalakay ng korte ang isyu ng umano’y nakatagong yaman ni VP Duterte, inaasahang ihaharap ng House prosecution panel ang kanilang ika-7, ika-8, at ika-9 na testigo:
1. Dating Sen. Antonio Trillanes IV
Nauna nang nagpakita si Trillanes ng mga umano’y bank record ni Duterte at ng kanyang pamilya sa pagdinig ng House justice committee na hindi nakalista sa SALN ng bise.
Inakusahan din niya si VP Duterte na tumanggap ng P22.3 milyon sa mga tseke na umano’y galing kay dawit na drug lord na si Samuel Uy.
Si Trillanes ay kilalang kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kabilang sa mga naghain ng reklamo ng crimes against humanity laban sa dating pangulo sa International Criminal Court sa Hague.
2. AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura
Inaasahang magpapatotoo siya tungkol sa mga record ng AMLC kaugnay kay VP Duterte. Nauna na rin siyang humarap sa House justice panel at nagsumite ng mga dokumento tungkol sa P6.7 bilyong transaksyon ng bise, kung saan P4.4 bilyon dito ay umano’y inflows.
3. Davao Register of Deeds Atty. Kathy Florence Baldonado o Atty. Marco Pineda
Sila ang inaasahang magve-verify ng mga deed at ari-arian ng asawa ni VP Duterte na si Atty. Manases Carpio sa Matina at Samal.
Patuloy ang impeachment trial habang sabay na tinutukan ng Senado ang budget deliberations para sa susunod na taon. Ernie Reyes