ISRAEL – Pinuri ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang isang Indian pilot at mga pasahero matapos umanong mapigilan ang isang posibleng pag-atake sa isang Dubai-Tel Aviv flight nang saksakin ng co-pilot ang kapwa niya piloto at magkaroon ng agawan sa kontrol ng eroplano.
Ayon kay Netanyahu, tinangka umano ng co-pilot ng flydubai aircraft na pabagsakin ang eroplano at patayin ang mga sakay nito.
Dahil sa insidente, napilitan ang piloto na magsagawa ng emergency landing sa Tabuk, Saudi Arabia.
Ayon sa mga pasahero, biglang bumulusok ang eroplano at nawalan ng humigit-kumulang 17,000 talampakan sa loob lamang ng isang minuto, batay sa datos ng Flightradar24.
Dahil dito, ilang pasahero ang nagtungo sa cockpit upang tumulong.
Sinabi ng flydubai na ligtas ang lahat ng pasahero.
Ayon sa mga ulat, 166 sa 174 na pasahero ay Israeli. Hindi pa malinaw sa airline ang dahilan ng pag-aaway ng dalawang piloto.
Sa isang video message, sinabi ni Netanyahu na sinaksak ng isang piloto ang kanyang kasamahan habang papalapit ang eroplano sa Israel at sinubukan umanong pabagsakin ito.
“I salute these heroes. They prevented a major disaster,” ani Netanyahu, patungkol sa mga pasahero.
Pinuri rin niya ang nasugatang piloto na kinilalang Indian national na si Smit Machchhar, dahil umano sa kanyang katapangan sa pakikipaglaban sa umatake kahit siya ay nasugatan.
Kinumpirma ng Indian Embassy na ginagamot si Machchhar sa isang ospital sa Saudi Arabia. Sinabi rin ng airport operator sa Tabuk na natagpuang sugatan ang co-pilot nang lumapag ang eroplano.
Samantala, tinawag ni Israeli Defence Minister Israel Katz ang insidente na isang “attempted jihadist terror attack,” ngunit hindi niya ipinaliwanag ang batayan sa pagtukoy sa motibo.
Tinawag naman ito ng director general ng Israeli foreign ministry na isang pagtatangkang pag-atake laban sa mga Israeli, United Arab Emirates at Abraham Accords—ang kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan ng Israel at UAE noong 2020.
Sinabi ni Israeli Foreign Minister Gideon Saar na nakausap niya ang UAE diplomat na si Abdullah bin Zayed Al Nahyan at nagkasundo silang makipagtulungan laban sa mga extremist group na naglalayong sirain ang seguridad at katatagan.
Nangyari ang insidente ilang buwan matapos magsimula ang panibagong regional war noong huling bahagi ng Pebrero kasunod ng mga pag-atake ng US at Israel sa Iran.
Dumating din ito ilang linggo bago ang Israeli elections na nakatakda sa huling bahagi ng Oktubre. Noong Martes, sinabi ni Netanyahu na may mga indikasyong maaaring magtangkang umatake ang mga kalaban ng Israel bago ang halalan, pahayag na tinawag naman ng opposition chief na “fear-mongering.” RNT/JGC