MALABON CITY, Philippines – Pinagtulungang kuyugin ng mga residente ang 45-anyos na delivery rider na nanutok at nagpaputok ng baril sa mag-ama na umano’y unang nanakit sa anak ng suspek sa Malabon City.
Sa imbestigasyon nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/SSg Kenny John Francisco ng Malabon police, nag-ugat ang insidente sa umano’y away sa pila ng tricycle sa kanto ng University Avenue at Mangustan Road, Brgy. Potrero dakong alas-7:10, Miyerkules ng umaga, matapos pilit umanong pinapaalis ng anak ng suspek na si alyas “Patrick” ang anak naman ng biktima na si alyas “Eddie”, 48, kapuwa tricycle driver, sa kanyang pagkakaparada.
Nagsumbong si alyas Eddie sa kanyang 70-anyos na amang si alyas “Gildo”, habang nagsumbong din si alyas Patrick sa kanyang amang si alyas “Boogie”, 45, matapos umano siyang saktan ng mag-ama.
Nang dumating si alyas Boogie, sakay ng kanyang motorsiklo sa lugar, sinampal umano nito ang anak ni alyas Gildo, sabay tutok ng baril sa mag-ama at mga nakapaligid na kapitbahay bago nagpaputok paitaas ng hawak na baril.
Dahil dito, kinuyog siya ng mga kaanak at kapitbahay ng mag-ama hanggang makatakbong patakas at iniwan ang kanyang motorsiklo habang nakuha sa lugar ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang isang basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.
Dakong alas-5:45 ng hapon nang kusang sumuko sa barangay at pulisya ang suspek at iginiit na wala siyang intensiyong mamaril at nagawa lang niyang magpaputok dahil sinusugod na siya ng mga tao.
Hindi rin nabawi sa suspek ang gamit na baril dahil naagaw na umano ito sa kanya nang simulan na siyang kuyugin. (Merly Duero)