MANILA, Philippines – Apektado ng El Nino ang nasa 356,800 indibidwal sa buong bansa, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Oktubre 1.
Sa media briefing, sinabi ni DSWD Spokesperson and Assistant Secretary Irene Dumlao na ang 356,800 indibidwal ay katumbas ng 189,994 pamilya.
“More than 3,400 barangays na sa iba’t ibang-bahagi ng ating bansa ang nakakaranas ng epekto ng matinding tagtuyot at bunsod nga ng El Niño phenomenon,” ani Dumlao.
Ang mga apektadong residente ay nagmula sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular ang Ilocos Norte sa Region 1; Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya sa Region 2; Oriental Mindoro sa MIMAROPA Region; Albay, Camarines Norte, Catanduanes sa Region 5; Cebu sa Region 7; Leyte, Northern Samar at Western Samar sa Region 8; Mountain Province sa Cordillera Administrative Region; at Dinagat Islands sa Caraga Region.
Idinagdag pa niya na may ilang lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa tagtuyot, kabilang ang mga probinsya ng Isabela at Cagayan, maging ang mga bayan ng Alabat, Guinayangan, Jomalig, at General Nakar sa Quezon Province.
“Mahigit 43,000 na family food packs na ang nai-provide ng DSWD as augmentation support to the local government units who are affected by the El Niño phenomenon. And more than 3,600 na mga water containers ang atin na rin pong naipamahagi kasi may mga nag-request na rin,” sinabi ni Dumlao.
“The total cost of humanitarian assistance provided by the Department has reached more than P714 million,” dagdag pa niya.
Ang ahensya ay may standby funds na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, kasama ang P3.8 milyong halaga ng prepositioned family food packs.
Nagpapatupad na rin ang ahensya ng mitigation efforts para matugunan ang kakulangan ng tubig at food insecurity.
Inaasahang mararanasan ang mas matinding El Nino phenomenon simula ngayong buwan, at posibleng tumagal ng hanggang Hunyo 2027. RNT/JGC