WALA tayong pagtutol sa No Contact Apprehension Policy ng Metropolitan Manila Development Authority. Sa katunayan, may malinaw itong advantage dahil gumagamit ito ng CCTV, high resolution digital cameras at iba pang teknolohiya upang makatulong sa pagpapatupad ng traffic laws nang hindi na kinakailangang harangin ang motorista sa mismong kalsada. Layunin din nitong dagdagan ang saklaw ng traffic enforcement.
Pero ang tanong, paano natin masisiguro ang integridad kapag muling ipinatupad ng local giovernment units sa October 5, 2026 ang NCAP na inulan ng reklamo kaya ito napatigil ilang taon na ang nakakaraan. Ang camera nila ay malinaw na nakakakita ng pangyayari, pero malabo ang assessment nito sa kabuuang sitwasyon.
Halimbawa, nasa intersection ka at biglang may jaywalker na tumawid. Natural, kung ikaw ay motorista, magbabagal o hihinto ka para hindi siya mabangga. Dahil dito, maaaring abutan ka ng red light. Kasalanan ba agad ng motorista?
Paano naman ang mga jeepney na nagkukumpulan at nagbababa ng pasahero sa intersection? Ang mga tricycle at e-trike na biglang sumusulpot o lumilipat ng linya? Ang siklistang biglang magbabago ng lane? At paano kung kailangan mong lumipat ng lane dahil may road construction, obstruction o biglaang pagbabago sa traffic flow? O kaya naman ay pararaanin mo ang anomang emergency vehicle?
Sa ganitong sitwasyon, maaaring makuha ng camera ang resulta, pero maaaring hindi nito makita ang dahilan.
Dito mahalaga ang human review at intervention. Hindi dapat awtomatikong ituring na conclusive ang isang camera capture o AI-assisted detection. Dapat may malinaw na proseso upang makita ang buong video, traffic conditions, road obstructions at iba pang circumstances bago gawing pinal ang apprehension.
May advantage ang NCAP ngunit may disadvantages din. Ang maling interpretation ng sitwasyon ay abala sa motorista na kailangan pang mag-contest.
Sa MMDA, may prompt assessment sila bukod sa huli ng automated system at mabilis ang proseso dahil may e-contest ng violation sa Traffic Adjudication Division.
Ang hamon natin sa mga LGU ay improvement, tiyaking pantay-pantay, transparent, may sapat at mabilisang due process ang sistema.
Hindi masama ang teknolohiya. Ang dapat bantayan ay ang integridad ng paggamit nito para sa kapakanan ng mga mamamayan.






