MANILA, Philippines – Nagpadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng dalawang barko at mga espesyalista sa Indonesia nitong Biyernes, Oktubre 2, para sa isang multinational exercise na layong palakasin ang kakayahan sa pagtugon sa oil spill at iba pang marine pollution incidents.
Isinagawa ang send-off ceremony sa Pier 13 sa South Harbor, Manila para sa delegasyon ng Pilipinas na lalahok sa 24th Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) sa Oktubre 8 hanggang 12 sa Bitung at Manado, North Sulawesi.
“Through its participation, the PCG reaffirms its commitment to strengthening national and regional capabilities to prevent, respond to, and mitigate marine pollution incidents, while promoting cooperation toward a safer, cleaner, and more resilient maritime environment,” pahayag ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab.
Pangungunahan ng Indonesia’s Directorate General of Sea Transportation ang ehersisyo, katuwang ang Japan Coast Guard.
Kabilang sa mga ipinadalang barko ng PCG ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) at BRP Tubbataha (MRRV-4401).
Kasama rin sa contingent ang mga tauhan mula sa Coast Guard Marine Environmental Protection Command, Coast Guard Special Operations Force, Coast Guard Medical Service, at Coast Guard Nursing Service.
Magbibigay ang mga kalahok na yunit ng kakayahan sa marine pollution response, emergency operations, rescue missions at medical support.
Taunang isinasagawa ang Regional MARPOLEX upang palakasin ang kahandaan, koordinasyon at interoperability ng mga maritime authority at response organization sa pagtugon sa oil pollution, hazardous at noxious substances, at iba pang marine pollution incidents.
Ginagamit din ang ehersisyo bilang pagkakataon upang magpalitan ng kaalaman, subukan ang mga response procedure at pagbutihin ang koordinadong pagtugon ng mga bansa sa rehiyon. RNT/MDS