Home HOME BANNER STORY 2027 budget, El Niño-ready – Kamara

2027 budget, El Niño-ready – Kamara

5
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng House of Representatives na magiging “El Niño-ready” ang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, kasunod ng babala ng PAGASA na maaaring lumakas pa ang kasalukuyang El Niño at maging very strong sa pagtatapos ng 2026.

“It was the commitment of the House to make sure that the 2027 national budget is El Niño-ready,” pahayag ni House appropriations committee chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing sa online interview nitong Biyernes.

Noong Huwebes, nagrekomenda ang Budget Amendments Review Sub Committee (BARSC) ng P116.32 bilyong dagdag na pondo para sa iba’t ibang programa bilang paghahanda sa inaasahang matinding El Niño na maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.

Kabilang dito ang P150 milyon para sa Agricultural Transport and Support Infrastructure Project na maglalaan ng cable car o tram systems para sa pagdadala ng high-value crops mula sa mga bulubunduking lugar.

Ayon kay House agriculture and food committee chairperson Rep. Mark Enverga, mas mura ang ganitong sistema kumpara sa pagtatayo ng mga farm-to-market road sa kabundukan.

Sinabi naman ni Suansing na makatutulong ito sa mga vegetable farmer sa Benguet, na dati nang nahirapang maibaba sa merkado ang kanilang mga ani.

“Ang ganda ng programang ito kasi yung una niyang tinutugunan, yung sitwasyon ng vegetable farmers natin sa Benguet. Earlier this year, ang nangyari, yung mga kamatis, yung mga repolyo, dahil hindi nila maibaba, tinapon na lang nila sa kalsada,” ani Suansing.

Kabilang pa sa inirekomenda ng BARSC ang dagdag na P500 milyon para sa Expanded Fertilizer Assistance Program, P125 milyon para sa Department of Agriculture, at P4 bilyon para sa solar-powered irrigation pumps.

May P105 milyon ding inilaan para sa hybrid solar-powered ice plants, habang P4.96 bilyon ang dagdag para sa farm-to-market roads, bukod sa P16 bilyong nakapaloob na sa 2027 National Expenditures Program.

Inirekomenda rin ang dagdag na P10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, P100 milyon para sa ube industry, at P275 milyon para sa UP Project Noah.

Sinabi ni Suansing na pinag-aaralan pa ng BARSC kung aling mga programa ng iba’t ibang ahensya ang maaaring bawasan upang pagkunan ng pondo para sa mga dagdag na alokasyon.

“At the moment, we are currently looking through all the programs across all the different agencies. Meron kaming mga batayan na gagamitin para i-identify aling mga programa ang puwede nating makaltasan,” ani Suansing.

Target ng Kamara na maaprubahan ang 2027 budget sa Oktubre 7. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here