Home METRO Puerto Princesa, naghahanda sa pagdami ng grass fire sa epekto ng super...

Puerto Princesa, naghahanda sa pagdami ng grass fire sa epekto ng super El Niño

7
0

PALAWAN, Philippines – Naka-standby ang mga firefighting equipment ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) dahil sa posibilidad ng pagdami ng grass fire bunsod ng matinding init na kaugnay ng Super El Niño, ayon sa Provincial Information Office MIMAROPA-Palawan.

Ayon kay CDRRMO chief Earl Timbancaya, nasa average na tatlong grass fire incident bawat araw ang naitatala sa lungsod, ngunit maaaring tumaas ito habang tumitindi ang init at natutuyo ang mga halaman.

Nagbabala si Timbancaya na maaaring pagmulan ng sunog ang tuyong damo, dahon at iba pang debris na nililinis at sinusunog. Maaari rin umanong magsilbing gatong ang mga debris na naiwan mula sa Super Typhoon Odette noong 2021.

Maaaring kumalat ang apoy mula sa mga tuyong damuhan patungo sa mga kagubatan at komunidad sa lungsod dahil sa mataas na temperatura at tuyong vegetation.

Sinabi ng CDRRMO na handa nitong gamitin ang mga firefighting equipment, kabilang ang isang lorry truck na nakalaan para sa paglaban sa sunog.

Nagtayo rin ang CDRRMO ng mga forward operating center sa mga mini city hall na pinamamahalaan ng Puerto Princesa City Government upang mapalapit ang disaster-response services sa mga residente, lalo na sa mga malalayong lugar.

Ayon kay Timbancaya, makatutulong ang mga center sa pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad habang naghahanda ang lungsod sa posibleng epekto ng Super El Niño sa kalusugan, agrikultura at kabuhayan.

Hinimok naman ng CDRRMO ang mga residente na mag-ingat sa paghawak at pagsusunog ng tuyong halaman at iba pang madaling masunog na materyales, lalo na sa panahon ng matinding init. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here