Home LIFESTYLE HEALTH DOH: Organ ng tao ‘di ipinagbibili

DOH: Organ ng tao ‘di ipinagbibili

7
0

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na hindi ipinagbibili ang mga organ ng tao at dapat dumaan sa tamang proseso para sa organ donation at transplantation.

Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Albert Domingo, pinuno ng Essential Life-Saving Services Cluster, mahalaga ang Philippine Network for Organ Sharing (PhilNOS) sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa organ donation at patas at etikal na paglalaan ng mga organ.

May sistema ang PhilNOS para sa agarang referral at pagproseso ng mga posibleng organ donor, patas na allocation, at maayos na pagkuha at pagsasagawa ng organ transplantation.

“Hindi po binibenta ang mga organs, dapat po hindi binibenta, tanggihan po natin kapag inaalok po tayo dahil ito po ay isang bagay na seryosong pinag-uusapan,” pahayag ni Domingo sa panayam sa PTV noong Biyernes, Oktubre 2.

Binanggit din ni Domingo ang advisory ng National Kidney and Transplant Institute noong nakaraang buwan na nagpaalala sa publiko na maging maingat sa mga pahayag tungkol sa pagbebenta ng kidney.

Ito ay kasunod ng mga nagte-trend na biro sa social media kung saan may ilang personalidad na nagsasabing ibebenta o ipamimigay ang kanilang kidney kapalit ng gadgets, na minsan ay sinasamahan ng edited o AI-generated images.

“Uulitin ko, hindi ho maganda iyong biruan ‘no na may lumabas na bagong cellphone ay magbibenta ako ng bato. Huwag hong ganoon, huwag ganoon. Sabi noong mga bata ngayon ‘no. Dapat po seryoso tayo dahil ito ay regalo ng buhay,” diin ni Domingo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here