MANILA, Philippines – Ibinulgar ni dating Sen. Antonio Trillanes IV kamakailan na ang isang dating food company na may pag-aari ni Vice President Sara Duterte ay may pekeng presidente dahil walang birth records at peke din ang Tax Identification Number (TIN).
Sa press briefing sa San Juan City, sinabi ni Trillanes na dalawang business interest ang nakalista sa 2025 SALN ni Duterte — ang Metro City Chow Foods Corp. na dating City Hall King Chow Foods Corp., at GenCorp Industries Inc. na dating Timesquare Bee Foods Corp.
Nakalista si Duterte bilang incorporator at stockholder ng Metro City Chow, at stockholder naman sa Gencorp.
Pero sa Timesquare Bee Foods, ayon kay Trillanes, lumalabas sa mga dokumentong kanilang sinuri na ang presidente ng kumpanya ay isang Ang Hai Peng na hindi matukoy ang pagkatao at detalye.
“Doon sa dineklara ni Sara Duterte from 2013 to 2023, na Timesquare Bee Foods, may lumalabas na pangalan, ‘yong Ang Hai Peng. Pero no’ng inimbestigahan po ito ng aming team, makikita po dito, wala siyang birth certificate, wala siyang passport, peke ‘yong TIN (tax identification number) niya,” sabi ni Trillanes.
Giit pa niya, nawala na si Ang Hai Peng sa mga corporate record matapos i-merge ang Timesquare Bee Foods sa GenCorp.
“Tapos no’ng 2024, no’ng minerge na, sabi ni Sara minerge niya na ‘yong Times Square Bee Foods sa GenCorp, nawala na, naglaho na sa kahit na anong dokumento itong Ang Hai Peng,” aniya.
“So sa madaling salita from 2013 to 2023, merong fictitious person na ginawang presidente ng kumpanya ni Sara Duterte,” dagdag niya.
Binanggit din ni Trillanes na pareho ang kaarawan ni Ang Hai Peng at ni Jaime Tan Cruz, presidente at majority owner ng GenCorp.
“Incidentally, parehas ang kanyang birthday with Jaime T. Cruz […] malamang sa malamang, iisang tao ‘yan,” sabi niya.
Ipinakita rin ni Trillanes sa press briefing ang mga dokumentong dapat sana niyang iharap sa Senate impeachment court na kasalukuyang naglilitis kay Duterte.
Noong Huwebes, sinabi ni Trillanes na siya mismo ang humiling sa prosecution team na alisin siya sa listahan ng mga testigo.
Inulit din niya ang ilan sa mga akusasyon na inihain niya sa pagdinig ng House committee on justice noong April 22 tungkol sa umano’y mga nakatagong bank account nina Duterte at ng kanyang mga kamag-anak na hindi nakalista sa SALN.
Kabilang dito ang sinasabing CALE88, kumpanya ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, na umano’y nakatanggap ng pondo mula sa gobyerno ng China at mga kumpanyang nakabase sa China bilang bayad sa banana chips.
Ayon kay Trillanes, may mga kakaiba sa CALE88 tulad ng mababang bayarin sa kuryente kahit manufacturer ito ng banana chips, zero trade receivables at payables, at walang rank-and-file employees.
Mas malala pa aniya ang umano’y P319 milyon na natanggap ng kumpanya nang paunti-unti mula 2023 hanggang 2025.
Binanggit din niya na ang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines Inc., foundation kung saan incorporator si Duterte, ay nakatanggap ng P150 milyong donasyon mula sa Chinese Embassy sa Pilipinas.
“Nakababahala ito dahil vice president ang posisyon ni Duterte,” ani Trillanes.
Dapat sana ay sumaksi si Trillanes para sa prosecution sa Article II ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at hindi pagdedeklara ng ari-arian ni Duterte sa SALN.
Pero inanunsyo ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro noong Huwebes na hindi na nila ihaharap si Trillanes.
Sa Facebook post, sinabi ng dating senador na siya ang nagpahiling na alisin siya sa witness list para hindi madagdagan ang pressure sa prosecution panel. Ernie Reyes