MANILA, Philippines – Sisimulan na ang pagsasaayos at paglalagay ng karagdagang proteksyon sa gilid ng Magliman Creek.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagkukumpuni ng mga nasirang floodwall sa mga kritikal na estero sa San Fernando City, Pampanga, kabilang ang Magliman Creek sa Villa Del Sol.
Dahil sa sunod-sunod na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa mga residente at karatig-lugar ay nagkabutas-butas ang mga floodwall.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, makikipagtulungan ang DPWH sa lokal na pamahalaan ng San Fernando para sa mabilis na pagpapatupad ng flood mitigation measures kabilang ang pagbabaon ng steel sheet piles at pagpapataas at pagpapatibay ng retaining walls upang maprotektahan ang mga kabahayan sa paligid ng creek.
“Agad-agad naman tayong pinapunta ni Pangulo dito para masimulan na ‘yung pagsasaayos nitong mga nabutas [na floodwalls] para hindi na papasok ‘yung tubig. Ready to go na tayo. Mag-uumpisa na tayo agad,” pahayag ni Dizon sa isinagawang inspeksyon kasama si San Fernando City Mayor Vilma Caluag. Jocelyn Tabangcura-Domenden