MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng Supreme Court ang kasal ng isang mag-asawa matapos mapatunayang nagsinungaling sila sa limang taong pagsasama para makaiwas sa marriage license.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ibinasura ng Third Division ng SC ang petisyon na naglalayong ideklarang valid ang kasal kahit walang marriage license.
Nagsama bilang mag-asawa ang dalawa mula December 2003.
Umalis ang lalaki papuntang Israel noong 2006 at bumalik noong 2009 para magpakasal.
Para makaiwas sa license, gumawa sila ng Affidavit of Cohabitation na nagsasabing anim na taon na silang nagsasama, kaya exempted sila sa ilalim ng Family Code.
Noong 2013, naghain ang lalaki ng petisyon na ipawalang-bisa ang kasal dahil peke ang affidavit — nasa Israel siya sa halos buong panahong idineklara nila.
Pinaboran ito ng RTC at CA. Ayon sa kanila, naputol ang 5-taong cohabitation dahil sa pag-alis ng lalaki mula 2006-2009, at hindi maaaring ipalit ang affidavit sa marriage license.
Sa pamamagitan ng OSG inapela sa SC ang kaso at iginiit na hindi kailangan ng tuloy-tuloy na physical presence, at hindi maaaring bawiin ng lalaki ang affidavit na kusa niyang pinirmahan.
Hindi sumang-ayon ang SC. Sa ilalim ng Article 3(2) ng Family Code, requirement ang valid marriage license. Exception lang ang Article 34 para sa mag-asawang nagsama nang hindi bababa sa 5 taon nang tuloy-tuloy at walang legal impediment.
Kailangan itong patunayan sa affidavit ng mag-asawa at sworn statement ng solemnizing officer.
Sa kasong ito, nabigo ang mag-asawa: mula 2001-2004, magkahiwalay sila at paminsan lang nagsasama sa inuupahang kwarto kasama ang kamag-anak.
Mula 2005-2009, nasa Israel ang lalaki at walang ebidensyang nagpakilala sila bilang mag-asawa o may intensyong bumalik para mamuhay kasama ang asawa.
Dahil peke ang affidavit at hindi natugunan ang 5-taong requirement, void ang kasal dahil walang valid marriage license. Jocelyn Tabangcura-Domenden