MANILA, Philippines — Sinuportahan ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panukalang kabuuang P920.5 milyong dagdag-pondo sa 2027 national budget para sa mga programang naglalayong palakasin ang kabuhayan at micro at small enterprises (MSEs).
Sa deliberasyon ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc), sinuportahan ni Yamsuan ang P870.5 milyong dagdag na alokasyon para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development at P50 milyon para sa Small Business Corporation (SBCorp), na nagpapatupad ng Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso o P3 program.
“Increasing the allocations for these programs would benefit more Filipinos and boost entrepreneurship as an engine of our country’s economic growth,” ani Yamsuan.
Ang SLP ay tumutulong sa mahihirap at marginalized households sa pamamagitan ng dalawang pangunahing track—Micro-enterprise Development at Employment Facilitation. Kabilang sa tulong nito ang seed capital, skills training at suporta para makapasok sa trabaho.
Samantala, layunin ng P3 program na mabigyan ang mga microenterprise ng access sa mas abot-kayang financing. Sa kasalukuyang programa ng SBCorp, maaaring makapagpautang sa microenterprise borrowers nang walang collateral sa pamamagitan ng accredited conduits, na may interest at service fees na hanggang 2.5% kada buwan.
Bukod sa dagdag na pondo, isinusulong din ni Yamsuan ang pagsasabatas ng dalawang programa. Inihain niya ang House Bill No. 2580 para gawing permanente ang SLP at House Bill No. 9472 para magtatag ng sustainable financing program para sa micro at small enterprises sa ilalim ng P3.
Nakabinbin pa sa kani-kanilang House committees ang dalawang panukalang batas. Samantala, ang mga rekomendasyon ng BARSc sa 2027 budget ay hindi pa pinal at kailangan pang dumaan sa deliberasyon at pag-apruba ng Kamara sa plenaryo. RNT