BULACAN – Dahil sa kawalan ng mga matibay na ebidensiya sa kasong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y pagbebenta ng “Hot Meat” na mula sa Port of Subic ay ibinasura ng Bulacan Provincial Prosecutors Office ang mga kasong isinampa ng NBI laban sa mga inuugnay sa umano’y pagbebenta o pag-aalok ng Container Van ng mga Imported Frozen Chicken meat.
Batay sa resolusyon inilibas ng Piskalya, lumalabas na “Insufficient Evidence” o kulang at walang matibay na ebidensiya, o no “Prima Facie Evidence” ang naging batayan kaugnay sa pagbasura ng mga isinampang kaso na paglabag sa Section 48 (c) nang Republic Act 9296 na sinusugan/amended ng RA 10536, Section 37 (a) ng RA 10611 o mas Kilala sa Food Safety Act of 2013, Section 24 (b) (3) at 24 (b) (6) and Section 7, RA 12022.
Binigyang pansin ng Piskalya ang umano’y kawalan ng sapat na ebidensiya upang mapatunayan ang inspection status ng mga nasabing produkto sa panahong inaalok umano ang mga ito para ibenta.
Nabatid sa resolusyon, na hindi rin umano sapat na tawagin o pagtatawag sa mga nasabing produkto bilang “Hot Meat”, para mapatunayan lamang ang paglabag sa Food Safety Law.
Kaugnay nito, wala rin umanong sapat na ebidensiya na nagpapatunay na may opisyal na kustodiya o kaya’y awtorisasyon sa mga nabanggit na produkto ang akusadong si Alyas “Mayelle” at iba pang kasama nito.
Matatandaang noong Setyembre 20, 2026, sinalakay ng NBI ang isang Rendering Facility sa Bulacan, kung saan sinasabing ikinasa umano ang isang buybust operation at masamsam ang nasa 81 tons na bigat ng mga karne ng manok (Frozen Chicken Meat) na nagkakahalaga umano ng nasa higit P7 milyon.
Dahil dito, nadamay din sa isyu ang ilang mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) Port of Subic na pansamantalang ni-relieve ni Customs Commissioner Ariel Nepumoceno, ito’y upang bigyan daan ang imbestigasyon. ROEL TARAYAO