MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pag-iibayuhin ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta, allowance at iba pang benepisyo para sa mga gurong Pilipino.
Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day na “Teacher, Ikaw Naman” sa Smart Araneta Coliseum, sinabi ng Pangulo na patuloy na naghahanap ng mga paraan ang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga guro.
“At hindi tayo titigil doon. Patuloy nating hahanapan ng paraan kung paano pa mapabubuti ang suporta, benepisyo, at mga oportunidad para sa ating mga guro,” ang bahagi ng pahayag ni Pangulong Marcos.
Katunayan, sinabi ng Pangulo na pinalawak ng pamahalaan ang oportunidad sa career advancement at aabot na sa 82,105 guro at school heads ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression System hanggang ntiong Setyembre kabilang ang 4,125 education personnel sa Region II.
“At dahil ang pagsuporta sa ating mga guro ay nangangahulugan ng pamumuhunan sa kanilang pag-unlad, pinalawak natin ang mga oportunidad para sa pag-unlad ng kanilang karera,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo ng kabilang rin sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagpapabuti ng pagbibigay ng allowance at iba pang benepisyo gayundin ang insentibo bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.
“Kabilang dito ang World Teachers’ Day Incentive Benefit na matatanggap ninyo sa tuwing ika-lima ng Oktubre,” ayon kay Pangulong Marcos.
Patuloy din ang proseso para sa 2024 Performance-Based Bonus upang mas mabilis itong maibigay sa mga kwalipikadong guro.
“Patuloy rin natin gagampanan ang tungkuling pangalagaan ang mga karapatan, kapakanan, at patuloy na pag-unlad ng ating mga guro,” ani Pangulong Marcos.
Dumalo sa pagdiriwang ang libo-libong guro mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan, kasama ang mga alkalde sa Metro Manila, House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at DepEd Secretary Juan Edgardo J. Angara Jr. (KRIS JOSE)