Home METRO 165 sigarilyong walang health warning, nasabat sa Cavite

165 sigarilyong walang health warning, nasabat sa Cavite

3
0

CAVITE, Philippines – Tatlong katao ang naaresto matapos umanong mahuling nagbababa ng mga kahon ng sigarilyong walang prescribed Graphic Health Warnings (GHW) sa Barangay Kabulusan, Magallanes, Cavite.

Ayon sa Magallanes Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen dakong alas-9 ng gabi tungkol sa umano’y paghahatid at pagbababa ng iligal na sigarilyo sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga pulis at naaktuhang nagbababa ang dalawang lalaki ng mga kahon ng sigarilyo mula sa isang Mitsubishi Mirage. Kinilala sila sa alyas na Joseph at Mario.

Sa isinagawang inspeksiyon, nakita umanong walang kinakailangang Graphic Health Warnings ang mga sigarilyo, na paglabag sa Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.

Naabutan din sa lugar ang isang babae na kinilalang si Marcelina, na umano’y intended buyer o recipient ng mga sigarilyo.

Sa imbestigasyon, sinabi umano ni Marcelina na mayroon pang dalawang kahon ng sigarilyo sa loob ng kanyang bahay. Narekober din ang mga ito at isinama sa imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya.

Umabot sa 165 ream ang kabuuang nakumpiskang sigarilyo, kabilang ang 100 ream ng D&J Red, 31 ream ng D&J Green, 19 ream ng Modern Red at 15 ream ng H&P Red.

Nakumpiska rin ang isang 2023 Mitsubishi Mirage GLX 1.2G MT na may plakang DBJ 2027, gayundin ang P100,000 cash na binubuo ng 100 tig-P1,000 mula sa possession umano ni Joseph.

Dinala ang tatlong suspek sa Magallanes MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso kaugnay ng umano’y economic sabotage at paglabag sa RA 10643. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here