MANILA, Philippines – Hindi maaabot ng House of Representatives ang orihinal nitong target na petsa para sa third reading ng P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, pero hindi naman ito malayo sa itinakda.
Sa halip na sa target na October 9 ay sa October 12 na maipapasa sa Kamara ang 2027 national budget.
Ito ay matapos aprubahan ng Kamara sa pamamagitan ng voice vote ang resolusyong humihiling ng pahintulot ng Senado na palawigin ang plenary sessions hanggang Oktubre 12, sa halip na mag-adjourn sa Biyernes, Oktubre 9.
Inihain ang resolusyon nina House Speaker at Isabela 6th district Rep. Faustino “Bojie” Dy III, Majority Leader at Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos, Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan, at Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st district Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.
Noong Agosto, sa pagsisimula ng budget cycle ngayong taon, itinakda ni Suansing ang Oktubre 9 bilang target date para sa third and final reading ng 2027 General Appropriations Bill.
Handa na sana ang budget bill para sa plenary consideration sa second reading sa sesyon nitong Lunes, dahil naisama na rito ang mga institutional amendment sa pamamagitan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) gayunman, hindi isinama sa order of business ang GAB o House Bill (HB) No. 10858.
Sa ilalim ng mga patakaran, kapag walang emergency o walang certification of urgency mula sa Malacañang, kailangang maghintay ng hindi bababa sa tatlong araw ang isang panukalang naipasa na sa second reading bago ito maaprubahan sa third and final reading.
Alinsunod sa mga patakaran, Lunes, Oktubre 12 na ang bagong target date para sa pagpasa ng GAB sa third reading.
Kinailangan ng Kamara ang pahintulot ng Senado para baguhin ang legislative calendar sa pamamagitan ng HR No. 1501, dahil dapat mag-adjourn sa parehong petsa ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Gail Mendoza