Home NATIONWIDE MMDA, Manila LGU magtatayo ng 3 rainwater impounding facilities

MMDA, Manila LGU magtatayo ng 3 rainwater impounding facilities

7
0
Screenshot

MANILA, Philippines — Magtutulungan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagtatayo ng tatlong Rainwater Impounding Facilities (RIFs) bilang bahagi ng hakbang ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso upang tugunan ang problema sa pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.

Pormal nang pinagtibay ng dalawang panig ang kanilang partnership sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng mga flood management project.

Target na matapos ang tatlong RIF sa Hunyo 30, 2027, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maisakatuparan ang mga proyekto kontra-baha bago ang susunod na panahon ng tag-ulan.

Itatayo ang mga pasilidad sa Rajah Sulayman Park, Remedios Circle at ASEAN Garden sa loob ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex, malapit sa Vito Cruz Drainage Main Outfall.

Batay sa isinagawang technical studies ng Haskoning, napili ang mga naturang lugar dahil kabilang ang mga ito sa mga lugar na nakararanas ng paulit-ulit na pagbaha at nakitang feasible para sa pagtatayo ng RIF.

Layunin ng mga pasilidad na pansamantalang saluhin at imbakin ang labis na tubig-ulan tuwing malakas ang buhos ng ulan upang hindi agad mapuno o ma-overload ang kasalukuyang drainage system.

Sa Rajah Sulayman Park, magkakaroon ng underground o subsurface storage para sa excess stormwater. Sa Remedios Circle, pagsasamahin naman ang rainwater storage, pagpapahusay ng drainage system at nature-based solutions.

Samantala, ang ASEAN Garden RIF ay idinisenyo upang saluhin ang tubig-baha mula sa Vito Cruz catchment na dumadaloy sa drainage main sa kahabaan ng P. Ocampo Street.

Pinag-aaralan din ang posibilidad na maisama sa ASEAN Garden project ang isang wastewater o sewage treatment facility, na maaaring makatulong sa pagbabawas ng pagbaha sa bahagi ng Roxas Boulevard at Taft Avenue, habang nakatutulong din sa pagpapabuti ng kalidad ng tubig sa Manila Bay.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, mahalaga ang pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod upang makapagpatupad ng konkretong solusyon sa mga lugar ng Maynila na madalas bahain.

Nagpasalamat naman si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa MMDA sa mga iminungkahing proyekto at interbensyon upang matugunan ang problema sa pagbaha sa lungsod.

“We are wholeheartedly grateful to the MMDA for the help and the solutions they are providing to address the flooding problem in parts of Manila,” pahayag ni Domagoso.

Bukod sa flood control, maaari ring ikonekta ang mga RIF sa mga water concessionaire upang magamit ang naipong tubig-ulan sa iba pang naaangkop na paraan, bilang bahagi ng pagsusulong ng water conservation at resource management.

Sa pamamagitan ng MOA, inaasahang mas paiigtingin ng MMDA at Maynila ang koordinasyon sa flood management upang maprotektahan ang mga residente, motorista, pedestrian at mga establisimyento sa mga lugar na madalas tamaan ng baha. JAY Reyes/DANNY QUERUBIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here