MANILA, Philippines – Inaresto nitong Lunes ng Philippine National Police (PNP) si vlogger at negosyanteng si Norman Mangusin, na kilala bilang “Francis Leo Marcos,” kaugnay ng tatlong kaso ng cyberlibel.
Nananatili siya sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), habang itinakda sa P30,000 bawat kaso ang piyansa.
Ayon kay PNP public information office chief Col. Allen Rae Co, hindi pa nakapagpiyansa si Mangusin at nasa kustodiya ngayon ng Detection and Special Operations Unit (DSOU) ng CIDG.
“He peacefully submitted to the police authorities,” ani Co. Sinabi rin niyang natunton ng mga operatiba si Mangusin sa isang hotel sa Parañaque City.
Ang arrest warrant ay inilabas kaugnay ng Article 353 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Ang warrant ay mula sa Regional Trial Court Branch 294 ng National Capital Judicial Region sa Parañaque City.
Noong Marso, sinabi ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner Rafael Calinisan na nagsampa siya ng reklamo laban kay Mangusin sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa unjust vexation at cyberlibel. Ito ay matapos umanong murahin siya ng vlogger sa isang livestream.
Bago nito, naaresto rin si Mangusin ng CIDG kaugnay ng 12 counts ng unjust vexation na isinampa ng kapwa vlogger. RNT/MDS