
MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na makatatanggap ng sapat na serbisyong pangkalusugan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa mga piitan.
Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA), irerehistro ang bawat PDL sa National Health Insurance Program (NHIP) upang magkaroon sila ng agarang access sa mga pangunahing benepisyong medikal.
Pinangunahan nina PhilHealth President at CEO Dr. Beverly Ho at BJMP Chief Jail Director Efren A. Nemeño ang paglagda sa kasunduan.
Sa ilalim ng PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program) at on-site “Alaga Ka” activities, makatatanggap ang mga PDL ng libreng konsultasyon, laboratory tests, X-ray at mga pangunahing gamot mula sa mga accredited clinic.
Nilagdaan din ng dalawang ahensya ang isang Data Sharing Agreement upang matiyak ang proteksyon ng personal na impormasyon ng mga PDL, alinsunod sa Data Privacy Act.
Ayon sa BJMP, bahagi ito ng layunin ng Universal Health Care (UHC) na mabigyan ng patas na access sa serbisyong pangkalusugan ang lahat.
“Kahit ang isang tao ay nasa likod ng rehas, hindi kailanman nawawala ang kanyang karapatang maalagaan, mapakinggan, at mabigyan ng patas na oportunidad na maging malusog. Mahalagang bahagi ito ng kanilang tuluy-tuloy na rehabilitasyon,” pahayag ng pamunuan ng BJMP. SANTI CELARIO / DANNY QUERUBIN
