Home NATIONWIDE Pekeng NCAP websites, payment links ibinabala ng MMDA

Pekeng NCAP websites, payment links ibinabala ng MMDA

4
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista laban sa mga scam na nagpapanggap na bahagi ng No Contact Apprehension Program (NCAP).

Ayon sa MMDA, gumagawa ang mga scammer ng pekeng websites at payment modes upang makapangolekta ng pera at sensitibong impormasyon, kabilang ang one-time passwords (OTPs).

“Wala po kasi kaming capability na hulihin ‘yan. We have to rely with our law enforcement agencies to capture ‘yung mga scammers,” ani MMDA Chairperson Romando Artes.

Nagsampa na ang MMDA ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) at nakipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) kaugnay ng mga scam.

Isinasaalang-alang din ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang mapigilan ang pagtanggap ng bayad ng mga scammer.

Muling ipinatupad ang NCAP sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong Lunes. Sa ilalim nito, gumagamit ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya upang mahuli ang mga sasakyang lumalabag sa traffic laws.

Noong Agosto, sinabi ni Artes na maraming motorista ang nakatanggap ng text na may link tungkol sa umano’y P1,000 multa. Mahigit 180 indibidwal umano ang nakapagbayad sa MMDA dahil sa mga mensaheng ito, at ibinalik ng ahensya ang kanilang mga bayad.

Binigyang-diin ng MMDA na walang links ang kanilang text notifications kaugnay ng NCAP. Maaaring tingnan ng motorista ang mga naitalang violation sa online platforms ng concerned LGU, gayundin sa eGovPH app at online NCAP services ng MMDA para sa mga paglabag na sakop nito.

Maaaring kuwestiyunin ng mga naniniwalang maling nahuli o na-apprehend ang kanilang violation sa itinakdang proseso ng concerned LGU. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here