MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na walang dapat ipangamba ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa lungsod.
Ayon kay Domagoso, hindi magiging dahilan ang NCAP para bawasan o tanggalin ang mga traffic enforcer, kabilang ang mga Job Order (J.O.) personnel na patuloy na kailangan sa operasyon sa mga kalsada ng Maynila.
Ipinaliwanag ng alkalde na kahit may mga camera nang tutukoy sa mga lumalabag sa batas-trapiko, mahalaga pa rin ang presensya ng mga enforcer para umalalay at magbigay ng direksyon sa mga motorista, biyahero at pedestrian.
Hindi rin umano limitado sa panghuhuli ng traffic violators ang trabaho ng mga MTPB enforcer. Kailangan ang kanilang presensya kapag may aksidente, biglaang pagsisikip ng trapiko, road obstruction, road closure at iba pang insidenteng maaaring makaapekto sa daloy ng mga sasakyan.
Maaari rin silang tumulong sa mga motorista na naliligaw, mga pasaherong nangangailangan ng direksyon at mga pedestrian na tatawid sa mga mataong bahagi ng lungsod.
Samantala, suportado ni Domagoso ang paggamit ng NCAP bilang karagdagang paraan upang mapalakas ang pagpapatupad ng batas-trapiko at mabawasan ang mga pagkakataon ng direktang pakikipagtalo sa pagitan ng motorista at enforcer.
Sa ilalim ng sistema, gumagamit ng mga makabagong camera ang lungsod upang matukoy at maidokumento ang mga paglabag sa batas-trapiko. Dahil dito, inaasahang mas magiging maingat ang mga motorista sa pagsunod sa traffic rules habang bumibiyahe sa Maynila.
Giit ng alkalde, hindi nangangahulugan ang NCAP na mababawasan na ang mga traffic enforcer. Sa halip, magkakaroon umano ng pagbabago sa kanilang papel—mula sa pagtutok lamang sa apprehension patungo sa mas malawak na traffic assistance at road management.
Samantala, kapansin-pansin agad ang dami ng mga naitalang paglabag sa isinagawang dry run ng NCAP. Ayon kay Domagoso, dalawang camera pa lamang ang ginagamit noon nang umabot na sa 190 traffic violators ang namataan.
Ibig sabihin, hindi pa man lubusang pinalalawak ang operasyon ng sistema, agad nang nakikita ang lawak ng mga paglabag na maaaring hindi natutukoy sa karaniwang pagmamanman sa kalsada.
Sa pagpapatuloy ng NCAP sa Maynila, kapwa teknolohiya at aktuwal na presensya ng mga traffic enforcer ang gagamitin ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan sa lansangan—habang tiniyak ng alkalde na walang MTPB enforcer na mawawalan ng trabaho dahil lamang sa NCAP. JAY Reyes