BOHOL, Philippines – Isang 25-anyos na metal scrap buyer ang mabilis na naaresto ilang oras matapos umanong nakawin ang brass bell na pinaniniwalaang mula pa noong 1914 sa Saint Peter Parish Church sa Loboc, Bohol.
Natuklasan ng mga tauhan ng simbahan na nawawala ang kampana dakong alas-7:50 ng umaga noong Lunes, Oktubre 5, at ini-report ito sa Loboc Municipal Police Station alas-8 ng umaga.
Sa pagsusuri ng Loboc police sa CCTV footage, nakita ang dalawang indibidwal na kumuha sa kampana bago sumakay sa isang tricycle.
Nakipag-ugnayan ang Loboc police sa Sagbayan Municipal Police Station na humantong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng isa sa mga suspek.
Naaresto ang 25-anyos na lalaki dakong alas-1 ng hapon sa Purok 6, Santa Cruz, Sagbayan, Bohol. Sa follow-up operation, nabawi rin ang ninakaw na kampana.
Patuloy namang hinahanap ng pulisya ang isang babae na umano’y kasabwat ng lalaki sa pagnanakaw.
Ayon kay Rev. Fr. Agerio Paña, parish priest ng San Pedro Apostol Parish, gawa sa brass ang kampana ngunit may bitak na ito at hindi na ginagamit dahil hindi na maganda ang tunog nito.
Itinuturing namang bahagi ng makasaysayang pamana ng parokya ang naturang kampana. RNT/MDS