Home NATIONWIDE VP Sara sa mga alegasyon sa ‘cash delivery’: ‘Wag gamitin ang aking...

VP Sara sa mga alegasyon sa ‘cash delivery’: ‘Wag gamitin ang aking pangalan sa kasinungalingan, pamumulitika

4
0

MANILA, Philippines – Inakusahan ni Vice President Sara Duterte nitong Martes si dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. na ginagamit ang kanyang galit kay dating House Speaker Lord Allan Velasco upang sirain ang kanyang reputasyon sa pulitika.

Sa isang press conference, binasa ni Duterte ang kanyang pahayag bilang tugon sa affidavit ni Gracioso noong Setyembre 14. Ayon kay Gracioso, na dating security aide ni Velasco, ilang beses umano siyang naghatid ng cash payoff kay Duterte mula 2018 hanggang 2020.

Ipinakita ni Duterte ang screenshots ng kanyang pakikipag-usap kay Velasco tungkol sa posibleng dahilan ng mga alegasyon ni Gracioso. Ayon sa bise presidente, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sina Velasco at Gracioso tungkol sa pera.

Batay sa salaysay ni Velasco, humingi umano si Gracioso ng pera para sa gastusin sa ospital. Hindi ito pinagbigyan ng mag-asawang Velasco dahil mas pinili nilang sila mismo ang magbayad ng mga gastusin, habang nais umano ni Gracioso na makatanggap ng cash.

“Ano man ang problema o hindi pagkakaunawaan nila Lord at Gracioso, hindi dapat ako idadamay sa kanilang personal na alitan sa pera. Hindi dapat gamitin ang aking pangalan sa paghihiganti, sa mga kasinungalingan at pagpapalakas ng walang ebidensyang impeachment complaint, at sa paninira sa pulitika,” pahayag ni Duterte.

Inakusahan din niya si Gracioso ng pagkakaroon ng mga “script writers” na umano’y gumagawa ng mga kuwento mula sa impormasyong nakukuha nila upang palakasin ang kampanya laban sa kanya.

Sinabi rin ni Duterte na may impormasyon sila tungkol sa umano’y negosasyon sa pera para sa mga posibleng testigong susuporta sa mga alegasyon ni Gracioso.

“Kumpirmado ko na may mga negosasyon sa pera para sa mga posibleng tumestigo sa mga imbentong kwento sa mga maleta ng pera na umano’y ibinigay sa akin,” aniya.

Ayon kay Duterte, kabilang umano sa inalok ang dati niyang aide na si Jefry Tupas, na sinasabing inalok ng pera at pagkakataong manirahan ang kanyang pamilya sa Forbes Park.

Nabanggit ni Duterte na maaaring naging vulnerable si Tupas dahil wala itong kasalukuyang trabaho at may karamdaman. Umalis umano si Tupas sa Office of the Vice President noong Oktubre ng nakaraang taon.

Nakatakdang magsumite si Duterte ng kanyang affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) pagsapit ng Huwebes. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here