Home NATIONWIDE Malakanyang, niresbakan si VP Sara: kung ‘di makahanap ng ebidensiya, ‘wag magturo...

Malakanyang, niresbakan si VP Sara: kung ‘di makahanap ng ebidensiya, ‘wag magturo ng iba

3
0

MANILA, Philippines – Niresbakan ng Malakanyang ang tila pagtuturo sa ibang tao ni VIce-President Sara Duterte matapos lumutang ang alegasyon ni dating Police Patrolman Rodulfo Gracioso Jr. na tumanggap ang bise-presidente ng mga maleta na may lamang pera mula kay dating House Speaker Lord Allan Velasco.

“Siguro yun talaga yung mangyayari kapag wala ka nang mahanap na pang depensa, magtuturo ka na lang ng iba,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Sa isang press briefing, araw ng Martes, sinabi ni VP Sara na ang mga pahayag mula sa Office of the President (OP) at ang nagpapatuloy na impeachment laban sa kanya ay nagpapakita lamang na ang kasalukuyang administrasyon ang nasa likod ng mga akusasyon laban sa kanya.

Ang buweltang tugon naman ni Castro ay hindi dapat kinakaladkad ni VP Sara ang Pangulo sa mga usapin laban sa kanya, dahil ang Pangulo at ang administrasyon ay hindi naman aniya makikinabang mula sa anumang di umano’y perang natanggap niya.

“So, ibig sabihin nito, kung may natanggap man silang pera, hindi ang Pangulo ang nakinabang dito. Hindi ang kasalukuyang administrasyon ang nagpasasa sa mga pondong diumanong natanggap nila,” ani Castro.

“So, ang mangyayari lamang dito: magtuturo sila, wala silang kongkretong ebidensya, at kung mayroon man siyang kakayanan na mag-explain, bakit hindi pa ‘yan nagawa noon,” dagdag na pahayag ni Castro.

Binigyang diin pa ni Castro na hindi kailanman ibebenta ng Pangulo ang Pilipinas sa mga dayuhan.

“So, ang Pangulo, lagi niyang itinuturo: Hindi kayang ibenta ng Pangulo ang bansa sa dayuhan. Isa itong karumaldumal na gawain. So, wag natin ‘tong tularan,” anito.

Samantala, sinabi ni Castro na si VP Sara mismo ang sumisira sa kanyang sarili at hindi ang ibang tao.

“Kung may sumisira man kay Bise Presidente, siya ang may kagagawan nun sa sarili niya,” ang tinuran ni Castro.

“Wala naman sisira kay VP Sara, nasa katawan niya na ‘yan. ‘Yang mga pondong ‘yan na sinasabing sa kanila, mapapakita  ‘yan sa bank records nila,” aniya pa rin.

“Wag nilang ipahid sa Pangulo. Dahil ang Pangulo ay hindi nakinabang ni singko sa mga perang diumanong natanggap nila,” diing pahayag ni Castro.

At nang hingan naman ng komento ukol sa alegasyon laban kay VP Sara na tumanggap di umano ito ng milyong halaga ng pondo mula sa Chinese government, ang sagot ni Castro ay dapat itong imbestigahan.

“It is worthy of a thorough investigation, and f it is true, it is dangerous to deal with a manchurian candidate,” ani Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here