Home HOME BANNER STORY Makati RTC, naglabas ng arrest warrant vs Rep. Leandro Leviste

Makati RTC, naglabas ng arrest warrant vs Rep. Leandro Leviste

5
0

MAKATI CITY, Philippines – Naglabas ang Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 235 ng warrant of arrest laban kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng umano’y paglabag sa Public Service Act.

Ayon sa dokumento, inilabas ang warrant noong Oktubre 5 at nilagdaan ni Presiding Judge Ricardo A. Moldez II. Kinumpirma rin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na natanggap ng bureau ang kopya ng warrant.

Kaugnay ang kaso sa umano’y paglabag sa Section 25 ng Commonwealth Act No. 146, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659 o Public Service Act. Iniutos ng korte sa mga law enforcement officer na arestuhin si Leviste at dalhin siya sa korte.

Itinakda ng korte ang piyansa sa P72,000. Ipinadala rin ang kopya ng warrant sa Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management sa Camp Crame at sa kinauukulang police station.

Ang kaso ay may kaugnayan sa Solar Para Sa Bayan Corp. (SPBC), na itinatag ni Leviste at pinagkalooban ng legislative franchise noong 2019. Nauna nang inireklamo ng Department of Energy ang kumpanya dahil sa umano’y hindi pagtupad sa ilang obligasyon sa ilalim ng franchise.

Ayon sa DOE, kabilang sa mga alegasyon ang hindi tuloy-tuloy na operasyon ng kumpanya at hindi paghahatid ng kuryente sa mga remote, unserved at underserved areas. Itinanggi naman ni Leviste ang mga alegasyon.

Hiwalay sa kasong ito ang iba pang reklamo at imbestigasyong kinakaharap ni Leviste, kabilang ang reklamong inihain ng NBI kaugnay ng umano’y “honey trap” laban kay Executive Secretary Ralph Recto. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here