MANILA, Philippines – Iginiit ng Beverage Industry Association of the Philippines (BIAP) na hindi sagot sa tumataas na obesity rate sa bansa ang planong 200% na dagdag sa excise tax sa matatamis na inumin sa ilalim ng PROGRESS tax package.
Ayon kay BIAP President Juan Lorenzo Tañada, bumaba ng 9.25% ang konsumo ng mga inumin noong 2025, ngunit umakyat pa rin sa 43.1% ang obesity at overweight rate sa bansa, batay sa datos ng FNRI-DOST.
Sinabi ng grupo na nagpapakita ito na hindi sapat ang buwis bilang hakbang laban sa obesity, habang tiyak naman umanong magpapataas ito sa presyo ng mga produkto at makaaapekto sa industriya.
Posible ring lumiit ng 27.2% ang benta ng industriya pagsapit ng 2027 dahil sa panukalang dagdag-buwis.
Umapela ang BIAP sa Kongreso na muling suriin ang panukala dahil maaapektuhan umano ang maliliit na tindahan at milyon-milyong manggagawa kapag tumaas ang presyo ng softdrinks at iba pang karaniwang inumin. Jocelyn Tabangcura-Domenden